Freshman
June 14, 2008Nang iminulat ni Chito ang kanyang mumunting mga mata, naramdaman niyang napupuno ito ng tubig. Hindi pala. Puno ito ng tubig at lumulutang-lutang ang itim sa kanyang mata na nagmistulang mga bolang ipinalaot sa tubig. Hindi maalat ag tubig. At may iba pang mga bagay na kasama niyang lumalangoy.
Hindi siya gaano makagalaw dahil nakatali ang kanyang pusod na parang dulo ng pising nakapulupot sa lobong nanlalabang makalipad. Makaalis.
Sa isang buong minuto, makikilala niya ang tao. Makikita niya na bawat daliri nito ay may sari-sariling kurbada — iba’t-ibang direksyon — walang isang hugis. Maraming tao, hayop, bagay at lugar ang lumalangoy kasama niya. Naroon ang paboritong kulay ng kanyang ina, ang ungol ni Bantay, ang pagkiskis ng tisa sa pisara, ang tindahan sa tapat ng bahay, at ang kalabog ng pintong isinasara.


